About Me

To know me is to know that this is not what I intend to show.

Tuesday, December 23, 2008

Araw sa Gabi

Simple lang akong kiligin ngunit halos nalimutan ko na ang pakiramdam. Nandiyan ang biglang pag-upo sa harap ko habang nasa sa isang coffee shop o kaya ay sorpresang paglitaw sa bahay dala ang paborito kong pagkain. Sa halos tatlong taong walang seryosong relasyon, mas madaling ilista ang mga pangyayaring tulad nito kaysa alalahanin kung paano panandaliang huminto ang mundo dahil sa kilig.

Mas lalong hindi ko ito inasahan na mangagaling sa isang estranghero habang hawak ko ang ika-anim na bote ng Red Horse noong nakaraang gabi (o madaling araw). Pagkalabas namin ng Bed (sa Malate), dumaan kami sa O Bar bago umuwi. Wala pang ilang sandali, natagpuan kong magkausap kami ng isang estrangherong may kapangalang planeta - na ayon din sa isang mitolohiya ay nangangahulugang "araw sa gabi". At sa kalabit sa kanya ng isang tindero ng mga bulaklak, nakangiti nyang sinabing bibili siya kung tatangapin ko ito. Bilang lalaki, hindi ko naranasan o hinangap na makatanggap ng bulaklak, kahit pa mula sa mga dati kong nakarelasyon. Sa kalasingan (at sa kilig na rin, marahil) ay tinanggap ko ito habang ang pigil na ngiti ay namumuo sa aking labi.

Marahil ay nasa mapagbirong posisyon ang aking mga bituin noong mga oras na iyon. Kahit medyo pasikat na ang araw, at habang nakaupo kami ng mga kaibigan ko sa gilid ng Nakpil, ay may tinderang lumapit at nag-abot ng bulaklak sa akin. Tumanggi akong bilhin upang sabihin lamang niya na pinabibigay iyon ng mamang nakaputi sa aking likuran. Muli ay napangiti ako at sandali siyang kinausap bago umalis.

Parehong rosas, parehong pula, parehong nagpangiti ngunit di hamak na may kilig sa naunang estranghero. At kahit ngiti lamang niya ang naaalala ko, at kahit duda akong makikilala ko sya sa oras na magkasalubong kami, sapat nang naipadama nya sa akin kung paano mapangiti sa kilig.

At tulad ng lahat ng ngiti, napapagal at napapawi. Pagkagising ko kanina, nakita ko sa banyo ang dalawang rosas na magkapatong. Kung saan doon ang galing sa naunang estranghero ay imposible nang malaman. Ang tanging nasa isip ko ay kung paano siyang panandaliang naging "araw sa aking gabi", tulad ng sinasabi ng mitolohiya.